Wika, Komunikasyon at Pelikulang Heneral Luna
Biyernes, Oktubre 30, 2015
Ang Wika ng Gabinete sa Pelikulang Heneral Luna
“Mas madali mo pang pagkasunduin ang langit at lupa kaysa ang mga
Pilipino sa alinmang bagay.” Ito ay isa sa mga linyang sumasalamin sa ugali ng mga Pilipino, ugali na hindi nagkaka-isa ang mga
ideya at sa mga paraan kung paano pamunuan ang bansang Pilipinas. Ito ang linyang sinambit ng artistang si John Arcilla bilang Heneral Luna.
Sa pelikulang Heneral Luna, dalawang wika ang nangingibabaw sa gabinite noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa
bansang Pilipinas. Ito ay ang Tagalog at ang Espanyol. Bakit may mga salitang Espanyol na ginagamit samantalang ang gabinete ng mga Pilipino ay nasa Pilipinas? Isa sa mga kadahilanan nito: ang mga Pilipino ay nasa pananakop ng mga Espanyol sa panahong bago ito sakupin ng mga Amerikano.
Nang sinakop ito ng mga Espanyol, ang ibang Pilipino mula sa mataas na antas ng lipunan ay nag-aral ng
wikang Espanyol. Mapapansin din natin sa pelikulang Heneral Luna ang dalawang wika na ito ay ginagamit ng kasapi ng gabinete at iba pang sundalo. Kung pakikinggan natin nang mabuti ng mga salitang Espanyol na ginagamit sa pelikula, magugulat tayo na halos puro mura lamang ang mga ito tulad ng "Puta", Dehadas", at "Lo que un maricon". Maririnig din natin sa pelikula na ang tawag ng mga tao lalo na't ang mga kasapi ng gabinete kay Pangulong Emilio Aguinaldo ay Espanyol din at iyon ay ang SeƱor Presidente.
Ang paraan ng pakikipag-usap ng mga gabinete sa pelikulang
Heneral Luna ay laging pasigaw, hindi maisaayos-ayos and daloy ng kanilang
pakikipag-usap dahil may iba’t ibang ideya na gusto sabihin, gusto ng bawat isa ang laging
mauna, gusto laging masunod ang kani-kaniyang mga ideya. Ang hirap nga naman na
maiayos ang daloy ng usapan ng gabinete kung lagi na lang magsisigawan at
hindi nagbibigyan ng daan para maintindihan ng iba pang mga kasapi ng gabinete.
Masasabi nating pormal dapat ang paraan ng pakikipagtalastasan sa
isang pagpupulong lalo na't kasama ang presidente na si Aguinaldo ngunit kung sisiyasatin natin
ng mabuti, hindi pormal ang ginamit na paraan na pagsasalita ng mga
gabinete sa mga pulong kahit pa nasa harap lamang nila aga presidente. Hindi sila nahihiyang ipahayag ang kanilang damdamin nang pasigaw at
walang pakundangan.
Bilang paalala, dapat lagi tayong mapagmatiyag sa mga wika at sa
mga paraan ng pakikipagtalastasan na ang ating ginagamit. Di tulad ng mga gabinete na laging nagyayabangan
at nagsasagutan, dapat tayong mga Pilipino sa kasalukuyan ay magkaroon ng pagkakaisa, lalo na kung para ito sa ating bayan. Ang isa sa mga
natutuhan namin sa pelikulang Heneral Luna, dapat mas malaki ang porsiyento ng pagmamahal sa bansa sa sarili. Kung tayo mismo ay hindi ito pakamamahalin, sino pa ba ang gagawa nito para sa atin ?
Mula kina:
Avilla, Roellyn
Bainto, Pia
Daiz, Shaina
De Juan, Ellen
De Leon, Louise
Leynes, Neliza
Malubag, Colleene
Nasayao, Elijah
Villaflor, Suzette
BSE-TCSL, Unang Semestre, Akademikong Taon 2015-2016
Sabado, Oktubre 17, 2015
Ang Iba’t Ibang Wika sa Pelikulang Heneral Luna
Gumamit ng iba’t ibang
wika ang pelikula para mas madaling matukoy ng manonood kung anong klase o uri
ng tao ang nagtatanghal at kahit na sila ay pumikit, basta narinig nila ang
nagsasalita ng ibang wika, maiisip agad nila kung ano ang nasyonalidad nito.
Gumamit sila ng iba’t- bang wika upang mas makilala rin ang mga bansang gusto
sumakop sa atin at nang mabigyang-diin ang wika, kung paano kinupkop ng mga
Pilipino ang mga banyagang wika at kung paano natin ito nagamit noon.
Ang pelikulang
Heneral Luna ay gumamit ng apat na wika. Una, ang wikang Espanyol. May mga
parte ng dayalogo tulad ng pagkakaroon ni Heneral Luna at ng iba pang opisyales
ng gobyerno ng diskusyon ukol sa pagsasanib-puwersa nila sa Estados Unidos para
sa ikauunlad daw ng bansang Pilipinas na ikinagalit naman ni Heneral Luna. Ang
mga karakter ay nagsasalita sa Espanyol, sapagkat bago pa man tayo masakop ng
mga Amerikano ay nauna at mas matagal tayong nasakop ng mga Espanyol kaya
natutunan na nating mga Pilipino ang kanilang wika. Ginamit ito ni Heneral Luna
sa mga pagkakataong siya ay nagmumura gaya noong siya’y nagalit sa kanilang
pagtitipon kasama ang gabinete sa opisina ni Emilio Aguinaldo, noong siya’y
nasa estasyon ng tren, noong pinagalitan niya ang anak ni Felipe Buencamino
dahil sa pagiging duwag at biglaang pag-alis habang nagigiyera at noong
ipinahiya niya ang pinuno ng Cavite. Dahil maliban sa kadahilanang sinakop sila
ng mga Espanyol nang panahong iyon, si Heneral Luna ay may dugong Espanyol
dahil ang kanyang ina ay isang Spanish mestiza na si Laureana Novicio Ancheta. Si Heneral Luna ay nag-aral din sa Espanya,
Pransiya at Belgium. Isa rin siyang ilustrado na nabantad sa mga ideya ng
liberalismo at nasyonalismo mula sa Europa.
Pangalawa ay ang wikang Ingles kasi
ginamit ng mga Amerikano ang kanilang wika bilang sandata ng kanilang pananakop
sa ating bansa. Ginamit ang wikang Ingles noong ibinenta ang bansang Pilipinas
sa Estados Unidos at patunay doon ang pagbanggit ni Hen. Wesley Meritt ng “She
is ours.” Ginamit din ang wikang ito noong nagkaroon ng giyera sa pagitan nina
Heneral Luna at Hen. Arthur MacArthur.
Pangatlo ay ang wikang Pranses. Ginamit
ni Heneral Luna ang wikang Pranses noong nakipag-usap ito sa Amerikanong
kundoktor ng tren upang ipamukha na mas may awtoridad siya na sila’y payagan na
gamitin ang tren sapagkat ang wikang Pranses ng mga panahong iyon ay
tinaguriang pinakamahalagang wika ng diplomasya at pandaigdigang relasyon sa
bawat bansa.
At pang-apat, ang wikang Tagalog.
Ginamit ito bilang isang pangunahing sangkap upang ang mga Pilipino ay
makipag-ugnayan sa kanilang kapwa-Pilipino. Sa wikang ito, hindi sila
naiintindihan ng mga dayuhan kung kaya’t nakapagbubuo sila ng mga estratehiya
laban sa mga mananakop. Bukod pa diyan, ipinagkait ng mga Espanyol ang kanilang
wika kung kaya’t ang wikang Tagalog (at iba pang wika sa Pilipinas) ang
kanilang nakasanayang wika. At isa pa, sila ay nasa isang bansa na kung saan
Filipino ang pambansang wika, at ang Filipino ay nagmula sa Tagalog.
Mula kina:
Bacolod, Maria
Chiu, Angelyn
Fallorina, Bernadette
Gipolan, Daphne
Lanzar, Alyssa Jilianne
Luy, Casey
Te, Jacel
BSE-TCSL, PCC, Unang Semestre, Akademikong Taon 2015-2016
Mula kina:
Bacolod, Maria
Chiu, Angelyn
Fallorina, Bernadette
Gipolan, Daphne
Lanzar, Alyssa Jilianne
Luy, Casey
Te, Jacel
BSE-TCSL, PCC, Unang Semestre, Akademikong Taon 2015-2016
Idyolek ni Heneral Antonio Luna sa pelikulang Heneral Luna
Ang idyolek ay isang varayti
ng wika na ginagamit ng indibidwal sa personal na kakayahan ng
pagsasalita. Ito ay ang paraan sa pagsasalita ng isang indibidwal o
isang pangkat ng tao at ito rin ang indibidwal na estilo ng paggamit ng
isang tao sa kanyang salita. Sa madaling sabi, ito ay ang wikang unique
sa bawat tao.
Unique
at kakaiba ang paggamit ni Heneral Luna ng wika sapagkat ito ay
pabalbal na Tagalog, may halong Espanyol at hindi masyadong pormal ang
ginagamit niyang mga pahayag. Mayroong malalalim na kahulugan ang mga
salita niya ngunit maiintindihan pa rin ang mga ito, ang pagbabato niya
ng salita ay diretso sa punto, malawak at makapangyarihan ang mga
salitang kanyang maingat na pinili.
Ilang
halimbawa nito ay ang sinabi niyang, "Hindi ko asawa ang gera, crush ko
siya." at "Mas madaling pagkasunduin ang langit at lupa kaysa sa
dalawang Pilipino sa alinmang bagay."
Pinagsama-sama
ni Heneral Luna ang mga wikang nalalaman niya sa isang pangungusap na
sakto at tumpak para sa ilang tiyak na sandali, kagaya ng kanyang
nakagawian at nakasanayan na. Ang mga ganitong kasanayan ay hindi
basta-basta lang niyang nakuha sapagkat ito'y dumaan sa pagsisikap at
pag-aaral noong maliit pa lamang siya. Ito'y nakuha rinn niya sa lahat
ng napag-aralan niya sa buhay, eskuwela, sa Europa, at lalong-lalo na,
sa kanyang pagmamasid sa kapwa niya, sundalo man o bahagi ng gabinete.
Halimbawa nito ay:
1.
"Nang manganib ang Espanya ay lumipat ka kaagad ng bakod, ngayon tayo
naman ang nanganganib ay nakikisiping ka sa bandila ng Amerika."
2. "Kaawa-awang mga sundalo ng Kawit, nasa maling ulo ang utak ng inyong pinuno."
Kasama
sa mga mura na binibitawan niya ay matinding pagmamahal sa bayan, ang
Pilipinas, at gagawin niya ang kailangan niyang gawin upang maabot ang
kanyang minimithi. Katulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio, siya ay
maaaring tawaging konsistent sa salita at gawa. Ang katangian na
konsistent ay nakakaapekto rin sa idyolek ni Heneral Luna.
Mula kina:
Dionisio, Jabie Joy
Jao, Stephanie Ann
Kong, Karine Trisha
Leonardo, Cristine Joyce
Santos, Bea Alexandra
Santos, Igan Vincent
Valderama, Maricar
Viloria, Frances Coleen
BSE-TCSL, PCC, Unang Semestre, Akademikong Taon 2015-2016
Dionisio, Jabie Joy
Jao, Stephanie Ann
Kong, Karine Trisha
Leonardo, Cristine Joyce
Santos, Bea Alexandra
Santos, Igan Vincent
Valderama, Maricar
Viloria, Frances Coleen
BSE-TCSL, PCC, Unang Semestre, Akademikong Taon 2015-2016
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)